Sabado, Hulyo 30, 2011

Ang Gamu-gamo at ang Apoy

            May isang batang gamu-gamo. Sadyang makulit at pilyo ito ngunit may likas din siyang katalinuhan at hilig sa mga bagay-bagay na naka-aakit sa kaniya. Dahil sa kapilyuhan at sobra niyang mausisa , ilang beses na siyang pinagsabihan ng kaniyang ina na huwag masyadong maglala-layo at huwag na huwag na muling lalapit pa sa apoy ng lampara. Maningning at paiba-iba ng kulay ang apoy ng lampara. Minsa'y pula at minsan nama'y dilaw. Nag-iiba-iba rin ang taas nito, depende na rin sa lakas o hina ng hangin sa silid.
Kahit napagsabihan na nang pauli-ulit ng kaniyang ina, sadyang nahumaling pa rin ang batang gamu-gamo sa apoy ng lampara. Paikot-ikot siyang lumipad dito at dahil sa sobrang ikinaa-aliw niya ang apoy ay unti-unti pa siyang lumapit. Unti-unti pa at pa-un pa hanggang sa nagliyab ang kaniyang mga pak-pak at mabilis siyang bumulusok pababa sa lampara...

            Ang apoy ang magpapalaya sa iyo. Pangarap. Mithiin. Ideya. Uri ng pamumuhay. Inspirasyon o kaya'y pagmamahal. Marami pang ibang 'apoy' na mahahanap mo sa buhay mo. Magugulat ka na lang na mapapatid ka na lamang sa isa sa mga ito. Malalaman mo, tulad ng batang gamu-gamo, na nahuhumaling ka na nga sa apoy. Lalapit ka anuman ang kapalit; kahit buhay pa.  Bilang gamu-gamo sundan mo ang pintig ng puso mo. Ipaglaban mo ang apoy na kinapatiran mo at kahit ilang beses ka pang mabigo, asahan mo na ito sapagkat habang palapit ka nang palapit sa apoy ng buhay mo ay lumalaki rin ang tiyansang lumiyab din ang pakpak mo. Ipaglaban mo ang minamahal mo. Ipaglaban mo hanggang kamatayan. Lumapit ka lang nang lumapit sa apoy. Lumapit ka at huwag kang matatakot na bumulusok at mabigo sapagkat ang mga natatakot mabigo ay ang siya ring mga taong natatakot magtagumpay.

            ...at habang nasusunog na at unti-unti nang namamatay ang batang gamu-gamo, napangiti ito at nasabi 'Mas maganda pala ang apoy kapag ganito ka kalapit.' Tumawa at nasiyahan ang gamu-gamo sapagkat sa wakas, naipaglaban niya ang apoy hanggang kamatayan at hindi siya mamamatay; magiging isa na sila ng apoy.  

1 komento: